Binuksan na sa publiko ang bagong slaughterhouse at animal shelter and pet clinic sa Vitas Tondo Maynila.
Ang naturang pasilidad ay mapapakinabangan ng buong lungsod, upang mapanatili ang sariwang suplay ng karne at maayos na pag-aalaga ng mga alagang hayop.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna Pangan, inaasahang magiging kalidad at bago ang mga karne na ibebenta sa merkado sa Lungsod.
Lahat ng mga karneng baboy at baka na ibebenta sa mga palengke sa Maynila ay sertipikado ng meat inspection representative.
Samantala ang Manila Animal Shelter and City Pound ay magbibigay ng libreng serbisyo sa mga alagang hayop tulad ng libreng check up, pagpapagamot at bakuna tulad ng anti-rabbies.
Ayon naman kay Dr. Nicanor Santos Jr., Officer in Charge ng City Veterinary and Meat Inspection Board, fully air conditioned ang bagong pasilidad at kumpleto sa mga pasilidad.
Samantala, ang mga pakalat-kalat na mga alagang hayop ay huhulihin ng pamahalaang lokal at dadalhin sa city pound tulad ng aso at pusa.
Dito ay aalagaan ng pamahalaang lungsod ang mga aso at pusa, at handa rin nila itong ipaampon sa mga may kakayahan na mag-alaga ng hayop.
Ang bagong animal shelter at city pound ay mayroon na ring crematory para sa mga hayop na namatay at hindi na kailangan pang ibaon kung saan-saan. | ulat ni Michael Rogas