Pormal nang umupo si Major General Antonio Nafarrete bilang bagong pinuno ng Western Mindanao Command (WESMINCOM) kapalit ni Lieutenant General William Gonzales na nagretiro na sa serbisyo.
Mismong si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. ang nanguna sa Change of Command Ceremony sa Camp General Navarro sa Zamboanga City.
Sa kaniyang talumpati, iginawad ni Gen. Brawner ang kaniyang marching orders kay Nafarrete na tuldukan ang problema laban sa Local Terrorist Group (LTG) gayundin sa Communist Terrorist Group (CTG) at sa halip ay tumtutok na sa Territorial Defense.
Binigyang diin ng AFP Chief na sa ilalim ng nagretirong si Gonzales, napalakas nito ang maritime security sa bisa ng Bantay Kalayaan campaign kasunod ng pagbaba ng bilang ng mga LTG at CTG sa kanilang nasasakupan.
Magugunitang nito lamang Hulyo, ipinaalala ni Presidential Adviser for Maritime Concerns, Secretary Andres Centino na kritikal ang Sibuti Passage sa Tawi-Tawi at Basilan.
Dahilan para ilunsad ang Joint Task Force Poseidon, na nagbabantay sa kanlurang bahagi ng karagatan ng Pilipians. | ulat ni Jaymark Dagala