Lumakas pa at nasa typhoon category na ang Bagyong Pepito habang nasa karagatan papalapit ng bansa.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 630km silangan ng Guian, Eastern Samar taglay ang lakas ng hanging aabot sa 130km/h malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 160km/h.
Nakataas na ang Signal no. 2 sa eastern portion ng Northern Samar (Mapanas, Gamay, Palapag, Lapinig), northern portion ng Eastern Samar (Arteche, Oras, San Policarpo, Dolores, Jipapad, Maslog), southeastern portion ng Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate, nalalabing bahagi ng Northern Samar, nalalabing bahagi ng Eastern Samar, Samar, at Biliran.
Inaasahan ang tuloy tuloy na rapid intensification ng bagyo kaya malaki ang tyansang maging super typhoon pa ito bago maglandfall sa Catanduanes bukas ng gabi.
Humina naman na ang Bagyong Ofel sa Severe Tropical Storm na huling namataan sa layong 215km hilagang kanluran ng Calayan Cagayan.
Pero nasa Signal no. 2 pa rin ang Batanes habang Signal no. 1 naman ang northern portion ng Cagayan (Pamplona, Claveria, Abulug, Sanchez-Mira, Santa Praxedes, Ballesteros), Babuyan Islands, northern portion ng Apayao (Luna, Santa Marcela, Calanasan) at northern portion ng Ilocos Norte (Pagudpud, Adams, Bangui, Dumalneg, Burgos, Pasuquin, Vintar, Bacarra, Piddig, Carasi).
Inaasahang lalabas na ng PAR ang Bagyong Ofel mamayang hapon. | ulat ni Merry Ann Bastasa