Bineberipika na ng Philippine National Police (PNP) ang impormasyong nakalabas na ng bansa si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Immigration gayundin sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan hinggil dito.
Dagdag pa ni Fajardo, inaalam na rin, aniya, nila sa Intelligence community kung may katotohanan ang naturang impormasyon.
Magugunitang sa virtual conference ni Vice President Sara Duterte nitong weekend, tila nadulas ito nang sabihing nakalabas na ng bansa ang dating presidential spokesperson.
Una nang kinumpirma ng Immigration na nasa labas na ng Pilipinas ang asawa ni Roque na si Mylah nitong Setyembre.
Si Atty. Roque ay kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad matapos i-cite in contempt at ipina-aaresto ng House Quad Committee dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa pamamayagpag ng iligal na POGO sa bansa. | ulat ni Jaymark Dagala