Inatasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang G-Xchange, Inc. (GXI), ang operator ng GCash e-wallet, na agarang ayusin ang mga naiulat na hindi awtorisadong pagbabawas sa mga balanse ng account ng mga apektadong GCash user at tapusin agad ang proseso ng mga refund.
Inatasan din ng BSP ang GXI na magbigay ng regular na update sa kanilang mga hakbang para maresolba ang naging problema.
Base sa ulat ng GXI sa BSP, nagmula ang insidente sa isang systems error.
Tiniyak ng kumpanya ng GCash na nananatiling ligtas ang lahat ng account ng mga user at kasalukuyan silang nagsasagawa ng refund para sa mga apektadong pagbabawas.
Magsasagawa naman ng karagdagang imbestigasyon ang BSP upang tukuyin ang mga posibleng kahinaan sa sistema at pagsunod sa mga regulasyon at patakaran.
Hinimok ng BSP ang mga apektadong user na makipag-ugnayan sa GXI para sa agarang pagresolba ng kanilang reklamo.
Sakaling hindi kuntento sa paghawak ng GXI sa kanilang kaso, maaaring idulog ng mga costumer ang kanilang mga alalahanin sa BSP Online Buddy (BOB) BSP sa Facebook messenger na @BangkoSentralngPilipinas at BSP website at www.bsp.gov.ph. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes