Inilunsad ngayon araw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang “new interest rate swap market,” isang mahalagang hakbang upang pasiglahin ang kalakalan at liquidity ng domestic bond market.
Layon nitong gawing malalim ang capital market na inaasahang magpapataas ng savings at investments sa Pilipinas pati na rin ang pagpapatupad ng monetary policy.
Ayon kay BSP Governor Eli Remolona, ang bagong interest rate swap market ay magpapadali ng pag-transmit ng monetary policy, mas matatag na presyo, at magdudulot ng sustainable growth at paglikha ng trabaho.
Ibig sabihin, aniya, ang interest rates ay mas magiging transparent upang maging mas madali ang pag-utang ng mga small and medium enterprises (SMEs) at mga consumers upang planuhin ang kanilang mga negosyo at investment purchase.
Sa unang pagkakataon, 16 na bangko ang nangakong magiging market makers para sa overnight repurchase rate based IRS na magbibigay ng presyo para sa swaps na may iba’t ibang termino mula isang buwan hanggang 10 taon, pagkakataon para sa mga institusyon na maglagak ng pamumuhunan. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes