Bilang ng gumagamit ng iligal na droga noong nakaraang adminsitrasyon, maliit lang ang ibinaba

Facebook
Twitter
LinkedIn

Sinanangayunan ng Dangerous Drugs Board (DDB) ang obserbasyon ni House Committee on Human Rights Chair Benny Abante na sa kabila ng maigiting na kampanya kontra iligal na droga ng nakaraang administrasyon ay walang signipikanteng pagbaba sa bilang ng mga gumagamit ng iligal na droga.

Batay sa iprinisintang datos ng Dangerous Drugs Board Policy Studies, Research and Statistics Division sa Quad Committee—-4.5% lang ang ibinaba ng drug users mula 2016 hanggang 2019 o katumbas ng 1.67 million, at 11% lang mula 2019 hanggang 2023 o 1.47 million users.

Punto ni Abante, kahit pa umabot ng 30,000 ang sinasabing napatay na drug users at pushers noong administrasyong Duterte ay maliit lang ang naitalang pagbaba.

“There was a slight downtrend, therefore, my question is, the war on drugs of the former president, where more than 30,000 were killed was not that effective. Yes or no? Coming from your statistics.” Tanong ni Abante sa DDB.

“As reflected, Mr. Chair, yes po.” Sagot naman ni Michal Miatari ng DDB.

Maging si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Dir. General Wilkins Villanueva, sinang-ayunan si Abante.

“Sa dami ng mga pinatay noong panahon ni Pangulong Duterte, panahon mo General Wilkins [Villanueva], panahon ng iba pa na [na] naging PDEA Director General, ay hindi masyadong epektibo ang nangyari sa war on drugs. According to that statistics.” Sabi ni Abante kay Villanueva

Maikling tugon naman ni Villanueva, “Yan ang lumalabas Mr. Chair.”

Ang naturang drug user survey ay ginagawa ng DDB kada tatlong taon.

Sinimulan ito noong 2004, kung saan mayroong naitalang 6.7 million current drug users.

Pagsapit naman ng 2008 ay nakapagtala ng 74.5% na pagbaba sa bilang ng drug users sa 1.71 million.

Nagpatuloy ang downward trend hanggang 2012 na may 23.2% decrease o katumbas ng 1.31 million na gumagamit ng droga.

Ayon kay Rebecca Arambulo, officer in charge ng division, ang malaking pagbaba na ito ay bunsod ng mga ipinatupad na polisiya at national drug strategies.

Halimbawa ang preventive education, research, pagtatatag ng mga treatment at rehabilitation facilities gayundin ang mga random drug testing sa mga eskuwelahan, at pagsusuri bago kumuha ng armas at lisensya.

Nakapagtala naman batay sa datos ng 33% na pagtaas noong 2015 na may 1.75 million drug users.

Dahil naman ito sa pagdami ng pumapasok sa mga rehab center at paglaganap ng drug trafficking activities.

Inusisa naman ni Quad Comm co-chair Dan Fernandez kung bakit mas mababa ang bilang na ito kumpara sa naging anunsyo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong apat na milyong drug users.

Sabi ni Arambulo, hindi galing sa kanila ang numero na ito. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us