Bumaba ang bilang ng mga namamatay sa leptospirosis sa kabila ng pagtaas ng kaso ngayong taon, ayon sa datos na ibinahagi ng Department of Health (DOH).
Ayon sa Health department, naitala ang 7,234 na kaso ng leptospirosis hanggang Nobyembre 23, 2024—19% na mas mataas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Gayunpaman, mas mababa ang Case Fatality Rate (CFR) ngayon na nasa 9.12%, kumpara sa 10.83% noong 2023.
Pinuri ng DOH ang mas maagang konsultasyon at tamang paggamit ng prophylaxis bilang dahilan ng pagbaba ng mga namamatay. Muling ipinaalala ng ahensya ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay at katawan gamit ang sabon at tubig matapos ang exposure sa baha upang maiwasan ang impeksyon.
Samantala, binabantayan din ng DOH ang respiratory illnesses gaya ng influenza-like illnesses (ILI) ngayong Amihan. Bagama’t naitala ang 161,555 kaso ng ILI ngayong taon, ito ay 18% na mas mababa kumpara sa parehong panahon noong 2023.
Patuloy na hinihimok ng DOH ang publiko na maghugas ng kamay, magsuot ng mask kung may sintomas, at agarang kumonsulta sa doktor upang mapanatili ang kalusugan ngayong taglamig. | ulat ni EJ Lazaro