Ikinalugod ng House Quad Committee ang desisyon ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, na bumuo ng special task force na siyang mag iimbestiga sa mga umano’y extrajudicial killings sa ipinatupad na drug war ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Quad Comm lead chair Robert Ace Barbers malaking tulong ito para malinawan ang mga kasong nabubuksan o naisisiwalatsa Quad Comm.
Naniniwala si Barbers na kung kakitaan ng naturang special task force ng sapat na basehan para magkasa ng kaso ay kikilos na rin mga otoridad.
Kung kakailanganin din aniya ay bukas ang mga dokumento at impormasyon ng QuadComm para magamit nila.
“natutuwa po kami sa QuadCom na merong po ang isang special task force na binuo si Secretary Remulla nang saganon, magkatulong din po dun sa mga nabubuksan o hindi kaya ay yung nalalabas ng QuadCom dito sa aming mga pagdinig. Siguro kapag nakita ng special task force na ito na sapat na ang kanilang basehan para sila ay maka build up ng kaso, siguro they will do the necessary steps after the hearing is terminated. Or even probably before the committee hearing will be terminated.” ani Barbers
Kasabay nito kinumpirma rin ni Barbers na wala na sa kanilang kustodiya sina dating PCSO General Manager Royina Garma at dating NAPOLCOM Chief Col. Edilberto Leonardo. | ulat ni Kathleen Forbes