Dinagdagan ng Senado ng P5 bilyon ang panukalang 2025 budget ng Office of the President para sa paghahanda sa hosting ng Pilipinas ng 2026 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Sa ilalim ng bersyon ng Senado ng 2025 General Appropriations Bill (GAB), nasa P15.86 bilyon ang alokasyon para sa OP.
Mas mataas ng limang bilyong piso mula sa P10.4 bilyon sa bersyon ng Kamara ng GAB.
Ayon kay Poe, nakipagpulong sila kay Executive Secretary Lucas Bersamin para talakayin ang magiging preparasyon ng Pilipinas para sa ASEAN Summit sa 2026.
Paliwanag ng senadora, biglaan itong hosting ng Pilipinas ng ASEAN Summit dahil nag-backout ang bansang dapat na susunod na magho-host nito.
Dahil dito, pinunto ni Poe na kakaunti na lang ang panahon ng ating bansa para paghandaan ang isang malaking international event.
Kabilang aniya sa mga ibinahagi sa kanila ni ES Bersamin na dapat paghandaan ay ang pagkakaroon ng lugar para sa 400 meetings, dagdag pa ang paghahanda ng seguridad, tutuluyan ng mga delegado at iba pa.
Iginiit ng mambabatas na kailangang mapaghandaan na itong lahat ng Pilipinas sa susunod na taon at hindi pwedeng ora-orada lang itong gawin. | ulat ni Nimfa Asuncion