Ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tutulungan ng National Government ang Catanduanes sa rehabilitasyon nito ng Abaca, na isa sa mga napinsalang industriya sa pagpasok ng Super Typhoon Pepito sa Pilipinas.
Sa situation briefing sa Catanduanes (Nobember 19), sinabi ng pangulo na ang pinakamalaking problema na iniwan ng bagyo ay ang pinsala sa agrikultura.
Kailangan aniyang mapag-aralan kung paano palalakasin muli ang abaca industry sa lugar, matapos ang pinsalanh ito.
“Ang pinakamalaking naging problema, ‘yung agricultural damage. Catanduanes ang center ng production ng abaca at maraming nasira. Kailangan natin tingnan ulit kung papaano tayo mag-replant,” —Pangulong Marcos.
Ang agad na gagawin ng pamahalaan, pagbibigay ng reconstruction materials.
Ang Department of Agriculture (DA), ina-assess na ang danyos na tinamo ng local abaca industry at tinutukoy na rin ang angkop na tugon na kakailanganin.
“Ngunit in the immediate, ang kailangan is reconstruction materials at nakahanda na kami. Kagaya diyan sa mga ibang lugar na tinamaan ng bagyo ay maghahanda kami ng mga construction materials,” —Pangulong Marcos.
Inatasan na ng pangulo ang DA at Department of Labor and Employment (DOLE) na magtulungan para sa recovery initiatives tulad ng pagsasagawa ng cash-for-work program para sa mga magsasaka, at para na rin sa abaca replanting effort.
Kung matatandaan, ang produksyon ng abaca ang isa sa pinakamalaking industriya sa Catanduanes, kung saan maraming magsasaka at fiber producers ang nakadepende ang kabuhayan sa linyang ito. | ulat ni Racquel Bayan