Kasabay ng pagtatapos ng pagdiriwang ng Indigenous People’s Month nitong October 31, 2024, iginawad ng DSWD-Eastern Visayas ang P100,000.00 na cash gift sa isang centenarian na kabilang sa Indigenous People’s (IP) Community sa bayan ng Burauen, probinsya ng Leyte.
Si Lolo Bernal, dating tribal chieftain ng Mamanwa Tribe indigenous people’s group na naitatag sa nasabing probinsya, ang pinakaunang miyembro ng nasabing komunidad na tumanggap ng katulad na benepisyo mula sa DSWD sa rehiyon.
Maliban pa sa P100,000.00 na centenarian gift na kanyang natanggap, inihandog din sa kanya ang letter of felicitation mula kay Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtungtong niya ng katangi-tanging edad.
Kaugnay nito, nakatakda rin siyang tumanggap ng cash gift mula sa lokal na pamahalaan sa susunod na mga buwan.
Nakiisa at naging saksi sa isinagawang seremonya ang ilang kinatawan mula sa LGU ng Burauen, kasama ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at ang Federation of Senior Citizens nito, at ng National Commission of Senior Citizens, Regional Office 8. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar | RP1 Borongan