Isa na namang empleyado ng Department of Education (DepEd) ang umamin na nakatanggpa siya ng envelope na may lamang pera mula sa noo’y Assistant Sec. Sunshine Fajarda.
Sa ika-apat na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability tungkol sinasabing maling paggamit ng pondo ng Office of the Vice President at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte, inamin ni DepEd Chief Accountant Rhunna Catalan na inabutan siya ng envelope ni Fajarda.
Inuusisa ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano si Catalan kung bakit niya pinirmahan ang mga liquidation vouchers para sa P112.5 million na confidential at intelligence fund na sentro ng pagsisiyasat.
“You were made to sign it? By whom? That is your mandate? And your statement that you signed it without looking at the details, diba? And that is on record. O, who told you to sign the document? Are you forced to sign the document?”
“Not really forced, but I was… I was requested to sign the document.” tugon ni Catalan
Sunod na tinanong ng chair ng Komite na si Manila Rep. Joel Chua kung sino ba ang nagpapirma sa kaniya.
Dito sinabi ni Catalan na si Fajarda ang nag ‘request’ na pirmahan niya ito, kahit pa aminado siyang hindi niya na-review ang naturang liquidation report.
Bunsod nito, sinabi ni Paduano na lalong mahalaga na paharapin si Fajarda sa kanilang pagdinig.
Sunod namang tinanong ni Manila. Rep. Joel. Chua, chair ng Komite, si Catalan kung nakatanggp din ba siya ng envelope mula kay Fajarda.
Bagama’t nag-alinlangan noong una, kinumpirma ni Catalan na siyam na beses siyang nakatanggap ng envelope na may P25,000 na laman.
Setyembre 2023 naman aniya nang ito ay matigil.
Matatandaang una nang isiniwalat ni dating DepEd Usec. Gloria Mercado na nakatanggap siya ng envelope mula kay Fajarda na naglalaman ng tig-P50,000 sa loob ng siyam na buwan.
Ganito rin ang inamin ni dating DepEd Bids and Awards Committee chair Resty Osias na ang halagang natanggap ay nasa P12,000 hanggang P15,000 naman. | ulat ni Kathleen Forbes