Na-contempt si Undersecretary Zuleika Lopez, chief of staff ng Office of the Vice President (OVP) sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, Miyerkules ng gabi.
Sa mosyon ni Deputy Minority Leader France Castro, kaniyang tinukoy ang paglabag ni Lopez sa Section 11 (f) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Kaugnay ito sa tangka umano nitong paghadlang sa pagdinig kaugnay ng paggastos ng kabuuang ₱612.5 milyong confidential fund ni Vice President Sara Duterte.
Partikular dito ang sa sulat na may petsang August 21 na nilagdaan ni Lopez para sa hilingin sa Commission on Audit (COA) na huwag sumunod sa subpoena na inilabas ng komite sa mga dokumento na may kaugnayan sa Confidential Fund ng OVP.
“So may I move Mr. Chair na nag-violate si Atty. Lopez dito sa ating proceedings or dun sa ating trabaho, due to this Section 11, Letter F, undue interference on the conduct of proceedings. May I move to cite Atty. Lopez in contempt,” ani Castro.
Idedetine si Lopez sa Kamara ng 10 araw o hanggang sa Lunes, November 25 kung kailan muling magsasagawa ng pagdinig ang komite.
Kasabay nito iginiit ni Castro na walang kinalaman si Speaker Martin Romualdez sa pagsisiyat ng mga kongresista ukol sa Confidential Funds ng Bise Presidente.
May pahayag aniya noon si VP Duterte na baka may kuntsabahan ang Speaker at Makabayan Bloc laban sa isyu ng Confidential Funds.
Pero diin ng solon na walang kinalaman o kumpas ang House Speaker sa pagsisiyasat. | ulat ni Kathleen Jean Forbes