Hindi basta tatanggapin ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang paliwanag ng GCash na system glitch ang nangyaring pagkawala ng pera ng users nito noong weekend.
Ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos, titingnan nila ang posibilidad ng isang organized breach ng ilang partikular na GCash accounts, ang dahilan ng unauthorized fund transfers nitong weekend.
Paliwanag ni Ramos, sinimulan nilang tutukan ang isyu ng organized breach sa halip na system glitch, matapos nilang silipin ang kaso ng komedyante na si Pokwang o Marietta Tan Subong sa totoong buhay.
Matatandaan sa isang social media post ng aktres ay ibinahagi nito na nawalan siya ng P85,000 kung saan nagkaroon ng fund transfers sa ibang accounts.
Dahil dito ay nanawagan si Ramos kay Subong, na makipagtulungan sa kanila at ibahagi sa publiko kung ano talaga ang nangyari. | ulat ni Lorenz Tanjoco