Itinaas ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert sa Central Office nito at mga apektadong rehiyon bilang paghahanda sa paparating na Bagyong Pepito.
Kabilang dito ang mga rehiyon ng National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Eastern at Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao.
Sa ilalim ng alertong ito, nakaantabay ang mga health personnel sa pampublikong ospital para magbigay ng agarang tulong medikal. Bukod dito, handang i-deploy sa ilalim ng Code White ang Health Emergency Response Teams sa mga evacuation centers. Aktibo rin ang mga quad cluster teams na tututok sa kalusugan, sanitasyon, nutrisyon, at mental health support.
Paalala rin ng DOH sa publiko, maghanda ng Emergency Go Bag at agad lumikas mula sa high-risk areas gaya ng mga binabahang lugar at prone sa pagguho.
Paalala naman ni DOH Secretary Teodoro Herbosa sa publiko na makinig sa abiso ng gobyerno at iwasan ang pagbiyahe sa mga lugar na apektado ng bagyo para na rin sa kaligtasan ng lahat. | ulat ni EJ Lazaro