Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang dagdag na pondo para sa Quick Response Fund (QRF) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, nasa P875 milyong pondo ang inaprubahan na magiging replenishment para sa tuloy-tuloy na produksyon ng food packs na ipapamahagi sa mga apektado ng sunod-sunod na bagyo.
Sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektado ng kalamidad.
Katunayan, may higit 18,000 nang family food packs ang naipaabot ng DSWD sa mga apektado ng bagyong Nika at Ofel.
Karagdagan pang food packs at non-food items ang ipinadala na rin ng ahensya sa Isabela at Quirino bilang augmentation sa mga LGU
Kaugnay nito, naghahanda na rin ang DSWD sa pagpasok ng bagyong Pepito.
Paliwanag nito, may nakahanda nang stockpile na higit sa 400,000 food packs sa Regions 1, 2, 3, 5, 8 at CAR pangtugon sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Inalerto na rin ng DSWD ang mga regional office nito lalo na sa mga dadaanan ng bagyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa