Ikinukonsidera ng Department of Agriculture (DA) na kumuha ng karagdagang suplay ng gulay sa iba pang vegetable producing areas sa Visayas at Mindanao.
Ito’y kasunod na rin ng malaking epekto ng magkakasunod na bagyo sa mga lalawigan sa Northern Luzon, Central, at Southern Luzon na karaniwang nagsusuplay ng highland at lowland vegetables sa merkado.
Sa ngayon, hinahatak nito pataas ang presyo ng gulay na may 10-15% na ang dagdag sa karaniwang bentahan.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, inatasan ni Secretary Francisco Tiu-Laurel ang DA-High Value Crops Development Program at Bureau of Plant Industry (BPI) na maglatag ng mga rekomendasyon sa mga posibleng alternatibong istratehiya para maiwasan ang lalo pang pagsipa ng presyo ng gulay.
Kasama rito ang posibleng pagkuha ng suplay sa ibang rehiyon sa VisMin na hindi naapektuhan ng kalamidad.
Pinasisilip na ang volume, suplay, at presyuhan sa ngayon ng gulay sa mga lugar na ito.
Kasama rin sa pinag-aaralan kung may pangangailangan na mag-angkat ng ilang gulay para manatili itong abot kaya sa publiko.
Inaasahan ang pinal na rekomendasyon sa linggong ito. | ulat ni Merry Ann Bastasa