Planong i-apela ni dating Caloocan Rep. Edgar Erice ang diskwalipikasyon ng Commission on Elections (COMELEC) sa kanyang pagtakbo sa 2025 Elections.
Sa isang pulong balitaan sa QC, sinabi ng dating mambabatas na magsusumite ito ng ‘motion for reconsideration’ sa Comelec En Banc sa Lunes.
Matatandaang sa inilabas na resolusyon ng COMELEC, dinisqualify nito sa pagtakbo sa pagka-kongresista sa 2nd District ng Caloocan si Erice dahil sa umano’y pagpapalaganap nito ng maling impormasyon na sinasadya na aniyang guluhin ang eleksyon.
Giit naman ni Erice, hindi nito nilabag ang Omnibus Election Code, partikular ang Section 261(z)(11) dahil sa Mayo pa naman ang eleksyon.
Wala rin aniya itong balak na guluhin ang halalan dahil nilalahad lamang nito ang katotohanan at nakasulat na rin ito sa mga inihain niyang petisyon sa Korte Suprema at Ombudsman.
Hindi naman na aniya nito ikinagulat ang diskwalipikasyon dahil sa galit sa kanya ng commissioners sa COMELEC.
Sakaling hindi katigan ang MR sa COMELEC, lalapit pa aniya ito sa Korte Suprema.
Kasunod nito, muling ipinunto ni Erice na dapat ipawalang bisa ang joint venture ng Commission on Elections (Comelec) at poll service provider na Miru System dahil iligal ang paggamit ng sistema at mga makina nito na labag sa Republic Act (RA) 9369 o Automated Election Law.
Una nang nag-inhibit si COMELEC Chairperson George Garcia sa anumang kasong kinasasangkutan ni Erice sa komisyon upang hindi umano mabahiran ang desisyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa