Napaamin ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre si dating DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda tungkol sa pamimigay ng pera sa mga opisyal ng DEPED.
Sa interpelasyon ni Acidre pinakumpirma niya kay Fajarda kung numero ng kaniyang telepono ang nasa isang mensahe sa pagitan ng mga school superintendent ng Region 7.
Sa naturang mga text messages kasi sinasabi na makipag-ugnayan kay Fajarda at ibigay ang kanilang mga personal bank details.
Ani Fajarda, pinadadalahan niya ng pera ang naturang mga superintendent at regional heads alinsunod sa utos ni Vice President Sara Duterte.
Paliwanag niya sa pag-iikot daw ng bise presidente ay nakita niyang gumagastos ng sariling pera ang mga superintendent sa kanilang office field work.
Nang usisain pa ni Acidre si Fajarda kung saan galing ang pera, ay hindi naman ito masagot ng opisyal pero sinabing ito ay iniaabot sa kaniya ng bise na noon ay nagsisilbi ring education secretary.| ulat ni Kathleen Forbes