Nilinaw ng National Security Council (NSC) na “internal arrangement” o sariling kusa ng Amerika ang pagpapadala ng mga sundalo nito sa Ayungin Shoal.
Ito ang binigyang-diin ni National Security Adviser Eduardo Año nang hingan ng reaksyon sa kumpirmasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa itinatag na US Task Force Ayungin.
Sa kaniyang pagdalo sa 25th ASEAN Chiefs of Army Meeting, sinabi ni Año na suporta lamang ang layunin ng tropa ng Amerika sa Ayungin Shoal, partikular na sa pagtataguyod ng Maritime Domain Awareness.
Ibig sabihin, walang direktang partisipasyon ang mga Amerikano sa operasyon ng BRP Sierra Madre at nananatili pa rin ang poder sa Western Command ng AFP katuwang ang Philippine Coast Guard.
Sinabi pa ng kalihim na wala siyang nakikitang masama sa pagpapakalat ng mga sundalong Amerikano sa Western Command dahil nakasaad naman aniya ito sa itinatadhana ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika. | ulat ni Jaymark Dagala