Bilang tugon sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maibalik ang telecommunication lines sa probinsya ng Catanduanes, tinututukan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Bicol ang sampung bayan sa Catanduanes na hanggang ngayon ay mahina pa rin ang linya ng komunikasyon matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Pepito.
Sa tala ng Catanduanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, tanging ang bayan ng Virac lamang ang may maayos na linya ng komunikasyon matapos humagupit ang Bagyong Pepito.
Ayon kay DICT Bicol Regional Director Rachel Ann Grabador, naroon na ang Government Emergency Communication System – Mobile Operations Vehicle for Emergency (GECS-MOVE) upang tumulong sa pagpapalakas ng linya ng komunikasyon at pagbibigay ng pansamantalang supply ng kuryente sa ilang residente.
Dagdag ni Grabador, sisimulan na rin aniya nilang ilibot ang nasabing aparato upang magbigay ng serbisyo sa mga residente na hanggang ngayon ay hirap na makontak ang kani-kanilang mahal sa buhay.
Ang GECS-MOVE dispatch ay naglalaman ng satellite communication tool na kayang makapagbigay ng internet connection kahit na nasa ground zero ang lugar na tinamaan ng kalamidad. Bukod dito, mayroon din itong generator set na kayang magbigay ng supply ng kuryente.
Samantala, inanunsyo ng DICT Bicol na sisimulan na rin nila ang paglalagay ng fiber network sa lahat ng munisipalidad sa probinsya ng Catanduanes bago matapos ang taon. Sa pamamagitan nito, magkakaroon na ng free Wi-Fi sa lahat ng bayan sa Catanduanes sa susunod na taon. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay