Nakapagtala ang Department of Health (DOH) Bicol ng kabuuang 198 kaso ng pertussis o “whooping cough” sa rehiyon mula Enero 1 hanggang Nobyembre 9, 2024. Sa bilang na ito, 146 ang klinikal na kaso at 52 naman ang nakumpirma sa laboratoryo, habang may tatlong (3) kaso ng pagkamatay ang naiulat dahil sa sakit na ito.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Albay na may 113, sinusundan ng Camarines Sur at Sorsogon na may tig-39 kaso bawat isa, at ang Camarines Norte, Catanduanes, at Masbate na may tig-4, 0, at 3 kaso, ayon sa pagkakasunod. Ayon sa mga eksperto, ang pertussis ay isang lubhang nakakahawang sakit na mapanganib, lalo na sa mga sanggol at bata. Maaaring magdulot ito ng mga sintomas tulad ng sipon, ubo, at lagnat na maaaring lumala sa loob ng isa o dalawang linggo, kasama ang matinis na tunog ng paghinga matapos umubo, pagsusuka, at hirap sa paghinga.
Upang maprotektahan laban sa pertussis, pinapayuhan ng DOH Bicol ang mga magulang na kumpletuhin ang 3 dosis ng Pentavalent Vaccine o 5-in-1 vaccine, na nagbibigay ng proteksyon laban sa iba pang sakit gaya ng diphtheria, tetanus, influenza B, at hepatitis B.
Ang DOH Bicol ay nananawagan sa mga magulang na magpakonsulta agad sa pinakamalapit na health center kung makikitaan ng mga sintomas ang kanilang mga anak. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay