Inilabas ng Department of Health (DOH) ang isang advisory upang balaan ang publiko laban sa kumakalat na maling impormasyon tungkol sa pinagmulan at pamamaraan sa paggamot ng COVID-19.
Ayon sa DOH, may mga pahayag na nagsasabing natuklasan umano ng Singapore na ang COVID-19 ay hindi isang virus kundi isang bacteria na nalantad sa radiation at nagdudulot ng pamumuo ng dugo na sanhi ng pagkamatay ng tao.
Pauna nang nilinaw ng Ministry of Health ng Singapore na hindi sa kanila nanggaling ang impormasyon at itinanggi rin ang mga maling balitang ito na nakita na rin sa iba pang bansa.
Mariing binigyang-diin ng DOH na ang COVID-19 ay dulot ng SARS-CoV-2 virus, at hindi isang bacteria.
Pinayuhan din ng health department ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyon at kumuha lamang ng updates mula sa mga lehitimong mapagkukunan tulad ng kanilang opisyal na website at social media platforms. | ulat ni EJ Lazaro