Isang tradisyonal ngunit modernong bahay ng mga Ivatan ang nakatakdang itayo sa Uyugan, Batanes, na pinondohan ng DOST sa ilalim ng proyektong “Assessment, Development, and Preservation for Typhoon and Earthquake-Resilient Ivatan Houses.”
Layunin ng nasabing proyekto na protektahan ang natatanging architectural heritage ng mga Ivatan mula sa mga darating pang kalamidad, lalo na’t daanan ng mga bagyo ang nasabing lugar.
Ayon kay Cagayan State University OIC President Arthur Ibañez, sa pamamagitan ng paggamit ng modernong engineering sa pundasyon, dingding na bato, at bubong, maaari pang mapatatag ang ‘stone houses’ ng mga Ivatan nang hindi nasasakripisyo ang ‘cultural value’ nito.
Batay sa magiging disenyo ng istraktura, lalagyan ito ng makapal na 360mm masonry walls at double wall cladding, na katulad din ng itsura ng tradisyonal na bahay ng mga Ivatan, bagamat mas magiging matibay at matatag ito dahil sa inihalong modernong pamamaraan.
Magsisilbing monitoring station para sa mga bagyo at lindol ang naturang proyekto upang makita kung gaano nga ba ito katatag, na magbibigay ng mahahalagang datos at impormasyon para sa mga itatayo pang kahalintulad na proyekto.
Ang groundbreaking ceremony sa nasabing proyekto ay isinagawa bago humagupit noon ang Bagyong Kristine. Dinaluhan ito ng DOST, Uyugan Mayor Jonathan Nanud, Architect Jeferson Abiva ng Ivatan Houses Project, Batanes State College (BSC) President Djovi Durante, at CSU President Arthur Ibanez.
May suportang manggagaling din mula sa CSU at BSC sa pagtatayo ng nasabing proyekto, na malaki ang maitutulong sa mga Ivatan.
Karamihan sa mga bahay sa Batanes ay gawa sa bato at kahoy na hinaluan ng apog o lime, at ang bubong ay mula sa dahon ng cogon. | ulat ni Teresa Campos | RP1 Tuguegarao