Hinimok ngayon ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na simulan na ang pagtukoy sa mga lugar kung saan itatayo ang mga bagong evacuation centers sa ilalim ng Ligtas Pinoy Centers Bill.
Ang naturang panukala ay nilalayong magtatag ng mga evacuation center sa kada munisipalidad at lungsod sa buong bansa na climate resilient.
Ang DPWH ang mangunguna sa pagtatayo ng naturang evacuation centers habang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang tutukoy sa high risk disaster prone areas, na magiging prayoridad sa pagpapatayo.
Sabi ni Herrera, habang maaga pa lang ay magandang matukoy na ang istratehikong lugar kung saan itatayo ang naturang evacuation centers.
Maaari naman aniyang kunin sa 2025 national budget ang paunang pondo sa pagpapatupad ng panukala.
“My suggestion to the DPWH now is to start identifying now the barangays where the new evacuation centers can be built. I recommend barangays where typhoons make landfall, towns around active volcanoes, and LGUs most likely to experience destructive earthquakes and landslides,” sabi ni Herrera. | ulat ni Kathleen Forbes