Tinatayang may 10 kalsada pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nananatiling hindi madadaanan dahil sa epekto ng pinagsamang Bagyong Kristine at Leon, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kabilang dito ang mga kalsada sa lugar ng Apayao, Batanes, Pampanga, Batangas, Albay, Camarines Sur, at Cebu, na apektado dahil sa landslide, pagbaha, at soil collapse. Dalawang tulay naman sa Batangas at Camarines Sur ang sarado rin matapos ang pagguho.
Ang DPWH ay patuloy din sa pagsasagawa ng clearing at repair operations upang muling mabuksan ang mga apektadong daan at tulay. Mahigit dalawang libong kagamitan at siyam na libong tauhan nito ang naka-deploy upang tiyaking mabilis ang pag-aksyon sa mga nasirang imprastruktura.
Kasalukuyang mino-monitor din ng DPWH ang mga apektadong lugar, at naghahanda ng mga alternatibong ruta para sa mga motorista. | ulat ni EJ Lazaro