Patuloy ang pagtiyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan at nasalanta ng nagdaang Bagyong Kristine sa Bicol.
Noong November 7, nagkaloob ang ahensya ng mahigit PHP 3,072,170 na halaga ng Family Food Packs (FFPs) sa 4,327 pamilya mula sa 13 barangay sa mga bayan ng Balatan, Milaor, Buhi, at Baao sa Camarines Sur.
Dagdag pa rito, nagbigay rin ang DSWD Bicol ng karagdagang tulong sa mga Internally Displaced Families sa Barangay Sta. Cruz, Bato, Camarines Sur. Namahagi sila ng 50 modular tents upang matulungan ang 109 pamilyang kinabibilangan ng 411 indibidwal na kasalukuyang naninirahan sa mga evacuation centers matapos masira nang tuluyan ang kanilang mga bahay dahil sa bagyo.
Sa Probinsya ng Sorsogon, namahagi ang ahensya ng kabuuang 1,917 Family Food Packs sa mga pamilya mula sa limang barangay sa bayan ng Donsol noong araw ding iyon.
Patuloy ang DSWD sa pagtupad sa kanilang pangakong pagsuporta sa mga apektadong komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo upang mapabilis ang kanilang pagbangon. | ulat ni Emmanuelle Bongcodin | RP1 Albay