Nag-deploy ng Mobile Command Centers ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Ilocos Region; Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).
Layon nito na palakasin pa ang mga operasyon ng ahensya pagkatapos ng pananalanta ng Bagyong #MarcePH, partikular sa mga lubhang naapektuhang komunidad.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, tungkulin ng Mobile Communication Center ang tuluy-tuloy at epektibong suporta sa telekomunikasyon.
Sa Cagayan Valley, nakaposisyon ang Command Center sa Buguey Cagayan, habang sa lalawigan ng Apayao naman ang sa CAR.
Nagagamit na rin ito ng publiko sa WiFi Connection at pag-charge ng kanilang mga gadget dahil sa kawalan ng kuryente sa iba pang lugar.
Hanggang kahapon, nakapagbigay na ang DSWD ng Php11.436 milyong halaga ng humanitarian assistance sa Regions 1, 2 at 3 na may pinakamataas na bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.
Binisita rin at pinagkalooban ng family food packs ang halos dalawang daang displaced families sa evacuation center sa islang barangay ng Mindoro sa Bangar, La Union.| ulat ni Rey Ferrer