Naipadala na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ikalawang batch ng relief assistance nito sa isla ng Catanduanes na labis na napuruhan ng Bagyong Pepito.
Isinakay sa C-130 ng Philippine Air Force ang nasa 700 family food packs (FFPs) na bahagi ng tuloy-tuloy na relief efforts sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Una nang nakapagpadala ang ahensya ng inisyal na 1,000 FFPs sa lalawigan na mula sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC).
Tuloy-tuloy na ring pinaiigting ang paghahatid ng relief supplies sa isla matapos na payagan na ang mga barko na muling makapaglayag.
Nauna rito, tiniyak ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na magpapadala ang ahensya ng karagdagang FFPs sa Catanduanes matapos ang pakikipagpulong nito kay Catanduanes Governor Joseph Cua nitong Lunes. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸 DSWD