Tuloy-tuloy na ang pamamahagi ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa iba’t ibang lugar sa Bicol Region.
Sa ulat ng DSWD Field Office 5-Bicol Region, nahatiran na ng family food packs (FFPs) ang 544 pamilya sa 7 barangay sa San Andres, Catanduanes.
Kinabibilangan ito ng barangay Cabungahan, Manambrag, Hilawan, Barihay, Tibang, San Isidro at Catagbacan.
Nahatiran na rin ng tulong ang 11 barangay sa Sagñay, Camarines Sur, 12 barangays sa Munisipalidad ng Goa, Camarines Sur at iba pa.
Naipamahagi ang agarang tulong katuwang ang mga volunteer mula sa Philippine National Police (PNP) at local government units (LGUs).
Kaninang umaga matagumpay na naihatid ng Philippine Air Force C-130 Aircraft ang 1,300 family food packs sa Virac Catanduanes mula sa DSWD Central Office.
Asahan umano ang 3,900 food packs na maihatid ng C-130 plane ngayong araw sa lalawigan. | ulat ni Rey Ferrer