Nakipagpulong si Finance Secretary Ralph G. Recto sa mga senior officials ng JP Morgan, upang talakayin ang mga posibleng kolaborasyon at inisyatiba para sa pagpapalakas ng Philippine capital market.
Ang JP Morgan ay isa sa mga nangungunang international company sa serbisyong pampinansyal na nagbibigay ng solusyon sa malalaking korporasyon, pamahalaan, at institusyon sa buong mundo.
Tinalakay sa pulong ang kasalukuyang operasyon ng JP Morgan sa Pilipinas, mga posibilidad para sa pakikipagtulungan, at ang pagsulong ng pag-include ng mga government-issued securities ng Pilipinas sa JP Morgan Bond Index.
Ang inclusion na ito ay magpapadali sa pag-access ng mga dayuhang mamumuhunan sa peso-denominated government bonds, magbabawas ng friction costs, at magpapalakas sa investment attractiveness ng bansa.
Kasama ni Secretary Recto sa pulong sina Chief Economist at DOF Undersecretary Domini Velasquez at National Treasurer Sharon P. Almanza.
Sa panig ng JP Morgan, dumalo sina Vice Chair for Public Sector Daniel Zelikow; Managing Director, Senior Country Officer, at Head of Banking para sa Pilipinas na si Carlos G. Mendoza; Managing Director at Head of Public Sector Coverage para sa Asia Pacific na si Karl Yeh; at Executive Director at Head of Global Corporate Banking para sa Pilipinas na si Louie Maloles. | ulat ni Melany Reyes