Upang lalong itulak ang mabilis na paglago ng ekonomiya, isinusulong ng economic team ang agarang pagsasabatas ng ₱6.35 trillion na Pambansang Budget sa susunod na taong 2025.
Sinabi ng Department of Finance (DOF), ang Pambansang Budget ay katumbas ng 22.1% ng inaasahang gross domestic product ng bansa para sa taong 2025 at mas mataas ng 10.1% kumpara sa 2024 budget na ₱5.77 trillion.
Mahigit sa kalahati ng budget o halos 62.5% ay ilalaan sa serbisyong para sa bayan tulad ng imprastruktura, health, education, human capital development, social welfare, employment, housing, at iba pang social protection programs.
Samantala, ayon sa DOF, pagtutuunan din nila ang pamumuhunan sa Filipino workforce upang makalikha ng de-kalidad na trabaho, pataasin ang kanilang sweldo, at mabawasan ang kahirapan.
Kasabay nito, nag-commit ang gobyerno na palakasin ang hakbang ukol sa climate mitigation at disaster preparedness para sa katatagan ng bansa.
Patuloy din na bibigyang kapasidad ang mga local government units sa pamamagitan ng People’s Survival Fund (PSF) at pagpapalawig ng micro-insurance para sa komunidad at vulnerable sector. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes