Nanindigan ang National Economic and Development Authority (NEDA) na nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng pagbagal nito dulot ng sunud-sunod na kalamidad.
Ito’y ayon sa NEDA makaraang maitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 5.2% na Gross Domestic Product o GDP ng bansa sa ikatlong quarter ng taon.
Mas mabagal ito kumpara sa naitalang 6.3% GDP sa ikalawang bahagi ng 2024 at 6% GDP naman na naitala sa kaparehong panahon noong isang taon.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, pinakanaapektuhan ang sektor ng Agrikultura na napinsala ng mga bagyo gayundin ng epekto ng El Niño at habagat na natapat pa sa panahon ng anihan.
Nakaapekto rin dito ang ipinatupad na fishing ban sa Cavite at Bataan dahil sa nangyaring Oil Spill noong Hulyo gayundin ang pinsalang idinulot ng African Swine Fever (ASF) sa Batangas noong Agosto.
Subalit kung ikukumpara aniya sa iba pang mga bansa sa Asya, ipinagmalaki ni Balisacan na kabilang pa rin ang Pilipinas sa mga may mabilis na paglago ng ekonomiya sunod sa Vietnam, Indonesia, China at Singapore. | ulat ni Jaymark Dagala