Umani ng batikos mula sa mga netizen at environmental groups ang tila maagang pangangampanya ng kampo ni dating Taguig City Mayor Lino Cayetano.
Partikular na rito ang pagkakabit ng mga tarpaulin sa mga puno sa lungsod, na mahigpit na ipinagbabawal salig sa RA 3571.
Makikita sa mga tarpaulin ang mga katagang “LABAN LINO” na nagpapahatid ng suporta sa dating alkalde na target makapuwesto sa pagka-Kongresista ng unang distrito.
Ikinabahala naman ito ng zero-waste advocacy group na Ecowaste Coalition, na anila’y nakasasama sa kalikasan dahil sa pinalalala nito ang problema sa basura.
Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition, dapat maging responsable ang mga kandidato gayundin ang kanilang mga taga-suporta hinggil sa tamang pangangampanya at hindi nakapipinsala sa kalikasan.
Magugunitang ibinasura ng Election Registration Board ng COMELEC-Taguig ang hirit ng mag-asawang Lino at Fille, na mailipat ang kanilang voter’s registration dahil sa kabiguang patunayan ito. | ulat ni Jaymark Dagala