Sa pagbabalik ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Monalisa Dimalanta matapos ma-lift ang kanyang suspension ng Office of the Ombudsman, iginiit ni Manila Representative Joel Chua ang pangangailangan ng “forensic audit, specialized tools, web-based o online transparency mechanisms, at specialized personnel” sa ERC.
Ito ay upang masigurong mayroong ganap na transparency sa bawat mahalagang desisyon ng electric cooperatives, power distributors, at ng National Electrification Administration (NEA).
Diin ni Chua, dapat “wala ng sikreto” sa ERC.
Iminungkahi din ni Chua, na magkaroon ng mga deadline para sa notarization, transmission, at paglalabas ng mga dokumento pati na rin ang pagkakaroon ng online portal kung saan maaaring magsumite ng mga dokumento ang mga power sector at mga regulator.
Diin ni Chua, na Chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ang pagkakaroon ng Inspectorate Service ay magbibigay sa ERC ng maliit na kapangyarihan sa mga inspector, at imbestigador na may visitorial powers upang matiyak na ang electric cooperatives ay sumusunod sa mga batas, regulasyon, at pamantayan. | ulat ni Melany Valdoz Reyes