Hindi nakikita ng Department of Finance (DOF) na makakaapekto sa pagpasok ng pamumuhunan sa Pilipinas o sa mismong ekonomiya ng bansa ang nararanasang ingay sa politika nito.
“Iyong Philippines mayroong political noise talaga, especially nandidito tayo, mas alam natin. Pero actually iyong foreign investors, mas insulated sila dito sa political noise. Of course, may mga nababasa sila kasi may international media that covers the Philippines also.” —Velasquez.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ni Finance Usec. Domini Velasquez na kahit kasi maingay ang politika sa bansa, ilang beses nang napatunayan ng Pilipinas na nagagawa pa ring ng ekonomiya nito na sumulong at magpasa ng mga mahahalagang batas at reporma sa kabila ng political noise.
“I think hindi iyon masyado nagma-matter, kasi we’ve proven ourselves na actually we’re beyond this political noise. We’re able to pass reforms, so ito nga CREATE MORE na-pass natin, we’re able consolidate our finances.” —Velasquez.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit maganda ang pinakahuling credit rating na nakuha ng Pilipinas sa S&P.
Ayon pa sa opisyal, sanay na ang mga negosyante sa ingay ng politika sa bansa, kaya’t hindi na masyong pinapansin pa ng investors ang ganitong isyu.
Mas mahalaga aniya sa mga ito ang mga repormang ipinatutupad ng gobyerno na nakatutulong sa paglago ng mga industriya.
“Parang kumbaga, kaya tayo mayroong positive outlook from S&P is because may track record na tayo na nagagawa natin ito, kahit ano pang political noise. It’s not just this administration ‘di ba, before nagkaka-upgrade na tayo, I think during President Aquino’s administration nag-start iyong naging investment grade rating tayo, so iyon lang nagtutuloy tuloy lang siya.” —Velasquez. | ulat ni Racquel Bayan