Iginiit ni Senate President Chiz Escudero na dapat maging handa ang Pilipinas na tumugon sa mga posibleng pagbabago sa polisiya ng Estados Unidos sa ilalim ng bagong-halal nilang Pangulong si President Donald Trump.
Pinunto ni Escudero na kilala si Trump na ginagawa ang mga sinasabi niyang balak niyang gawin kaya dapat paghandaan na ito ng gobyerno ng Pilipinas lalo’t ang ilan sa mga planong polisiya ng US President ay makakaapekto sa ating bansa at sa mga Pilipino.
Kabilang na dito ang mass deportation na maaaring makaapekto sa nasa 300,000 na mga Pinoy sa U.S.
Isa rin aniyang dapat paghandaan ang posibleng paglakas ng dolyar na ibubunga ng trade policy changes ng Trump administration.
Sinabi ng Senate president na kapag nangyari ito ay posibleng humina ang piso at tiyak na lolobo ang ating foreign debt.
Dinagdag rin ni Escudero na pagdating naman sa security front ay kailangang rebyuhin ng Pilipinas ang relasyon natin sa U.S. at paghandaan sakaling magkaroon ng bagong posisyon ang US government dito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion