Nakapagtala na ng inisyal na P265.74 Million halaga ng pinsala sa sektor ng agrikuktura ang Department of Agriculture sa nagdaang bagyong Nika, Ofel at Pepito.
Base ito sa assessment ng DA Regional Field Offices, sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Eastern Visayas.
Karamihan sa naapektuhan ang mga pananim na palay, mais, high-value crops, panghayupan, pangisdaan at mga pasilidad sa agrikultura.
Nasa 11,692 na mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan at 12,217 ektarya ng lupang agrikultural ang naperwisyo.
Abot na rin sa 8,952 metric tons ang dami ng nasirang produkto dahil sa kalamidad.
Inaasahan pa ng DA ang karagdagang pinsala partikular sa Bicol Region, habang nagpapatuloy pa ang ginagawang assessment ng DA Field Offices.| ulat ni Rey Ferrer