Mahigit 4,400 indigent senior citizens mula sa lalawigan ng Albay ang nakatanggap ng kanilang social pension mula sa Pamahalaang Lokal ng Albay noong ika-25 ng Nobyembre.
Bawat kwalipikadong benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,000 bilang bahagi ng programang pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Sa tala ng Albay Public Information Office, mayroong 1,135 benepisyaryo sa bayan ng Daraga, Albay. Nakatanggap din ng kanilang pensyon ang mga senior citizen mula sa mga bayan ng Oas (1,318), Camalig (1,818), Guinobatan (843), Jovellar (88), at Manito (430) para sa ikalawang semestre ng stipend (July-December) nitong mga nakaraang araw.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang pamamahagi ng pensyon sa bayan ng Pioduran.
Ang social pension na ito ay isang malaking tulong sa mga senior citizen lalo na sa mga nasa mahihirap na kalagayan, upang matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Samantala, pinuri ng mga lokal na opisyal ang programa bilang isang konkretong hakbang para sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga senior citizen sa Albay. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay