Tinatayang higit P206 million na pagkakautang ng mga magsasaka sa Pampanga ang binura ngayong umaga (November 21) ng Marcos Administration.
“Kasama na rito ang amortisasyon, ang interes, at iba pang mga surcharge na nakaangkla sa inyong mga lupang sakahan sa loob ng napakahabang panahon. Simula ngayon, pinapawalang-bisa na po natin ang inyong utang sa lupang ipinagkaloob sa inyo sa ilalim ng repormang agraryo,” —Pangulong Marcos Jr.
Ito ay makaraang pangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng certificate of Land ownership o CLOA at certification of condonation, para sa higit 2,400 na benepisyaryo ng Agrarian Reform Program.
“Isa pa ito sa talaga na ating mga layunin. Isang hakbang ito upang pagtibayin pa ang sektor ng agrikultura at matulungan na maiangat ang antas ng pamumuhay ng ating mga magsasaka,” —Pangulong Marcos.
Tinatayang nasa higit 3,900 ektarya ng lupa ang mako-cover ng programa sa Pampanga.
Ayon kay Pangulong Marcos, isa ang distribusyon ng CLOA sa mga paborito niyang aktibidad, lalo’t nangangahulugan ito ng panibagong serbisyong publiko sa mga Pilipino, partikular sa mga magsasaka.
“Ang pagtitipon natin na ganito ay nangangahulugan na makakapaghatid kami sa inyo ng serbisyo, na pinakamahalagang parte ng aming trabaho. Nitong mga nakaraang linggo, anim na sunod-sunod na bagyo ang dumaan sa ating bansa. Nagdulot ng napakalaking pinsala.” —Pangulong Marcos.
Ito ayon sa Pangulo ay dahil ang mga magsasaka ang pinaka-apektado ng anim na magkakasundo na bagyo na nanalanta sa Pilipinas at sa agri sector nito.
“Nawa’y magsilbing inspirasyon din ang aming handog ngayong araw para sa panibagong yugto sa inyong mga buhay, kung saan hindi lamang kayo at ang inyong pamilya ang aasenso—maging ang buong bansa ay kasama ninyo sa inyong tagumpay,” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan