Binatikos ni House Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin ang mga negosyanteng nananamantala pa rin kaya mataas ang presyo ng bigas sa merkado.
Sa isinagawang pagdinig ng Murang Pagkain Super Committee, kinuwestiyon ni Garin ang patuloy na mataas na presyo ng bigas kahit na binawasan na ang buwis nito sa ilalim ng Executive Order No. 62 na inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Aniya, dapat nasa ₱5 hanggang ₱6 na ang naibababa ng bigas pero halos ₱0.44 lang ang nabawas.
Pagbibigay-diin nito, gumagawa ng paraan ang gobyerno pero may mga negosyanteng pinagsasamantalahan ito.
Samantala, ikinabahala rin ng mambabatas ang ulat ng Department of Health na nangunguna ang Western Visayas sa bilang ng mga batang nakararanas ng pagkabansot o stunting.
Binigyang-diin ni Garin na seryosong problema ng stunting o pagkabansot na dulot ng kakulangan sa tamang nutrisyon ng ina habang nagbubuntis, at maling paraan ng pag-aalaga at pagpapakain sa mga bata sa rehiyon.
Batay sa ulat ng DOH-Region 6, malubha ang kaso ng stunting sa mga lugar ng Badiangan, Duenas, at Carles sa Iloilo, gayundin sa Don Salvador Benedicto at Calatrava sa Negros Occidental. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes