Nakatutok ngayon sa Region 2 o Cagayan Valley Region ang Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay ng Humanitarian Assistance at Disaster Relief sa mga kababayang sinalanta ng kalamidad doon.
Alinsunod na rin ito sa direktiba ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil dahil sa sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa gayundin ay bilang paghahanda sa dalawa pang paparating na bagyo.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, pinatitiiyak ng PNP chief na may sapat silang puwersa at resources upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Sa katunayan, naging aktibo ang PNP sa pagsasagawa ng force evacuation bago pa man tumama sa bansa ang mga bagyo salig sa kautusan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Nananatiling naka-Full Alert ang Police Regional Office 2 buhat pa nang manalasa ang mga bagyong Kristine, Leon, Marce at Nika. | ulat ni Jaymark Dagala