Ipinadala na ng Philippine Red Cross (PRC) ang kanilang Humantarian Caravan sa mga lalawigan ng Aurora, Isabela, at Cagayan para tulungan ang mga nasalanta ng mga bagyong Marce at Nika.
Kabilang sa naturang caravan ang mga water tanker, food trucks, cargo trucks na naglalaman ng relief items, 6×6 trucks, at service vehicles.
Sakay ng mga 6×6 truck ang emergency response team ng PRC para sa posibleng rescue at clearing assitance sa tatlong nabanggit na mga lalawigan.
Kasama rin sa caravan ang dalawang assessment team mula sa Marikina at Valenzuela Chapter, dalawang hotmeal teams mula naman sa Cavite at Pasay Chapters gayundin ang isang WASH team mula sa National Headquarters.
Bitbit din ng caravan ang nasa 2,000 tarpaulines na magsisilbing temporary shelter ng mga nagsilikas, 1,000 set ng shelter tool kits gaya ng mga pala, pako, lagari, tali, at iba pa.
Ayon naman kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, patuloy silang magpapadala ng Humanitarian Caravan sa mga lugar na pinadapa ng bagyo lalo’t kailangan pa ring paghandaan ang dalawang bagong bagyong papasok sa bansa. | ulat ni Jaymark Dagala