Tulong-tulong ang iba’t ibang Local Disaster Teams sa buong Ilocos Norte na nagsasagawa ng road clearing operation sa mga pangunahing kalsada matapos ang paghagupit ni bagyong Marce.
Mga natumbang at naputol na sanga ng kahoy ang tumambad sa mga kalsada kaninang madaling araw matapos ang magdamag na paghagupit ng napakalakas na bagyong Marce.
Pinangunahan ng mga barangay at mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices ang pagsasagawa ng road clearing operation kasama ang mga miyembro ng Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Philippine Army, at Philippine Marines.
Nanatiling sarado pa rin ang national highway sa sitio Banquero, Barangay Pancian, Pagudpud, Ilocos Norte dahil sa nangyaring landslide sa kasagsagan ng bagyong Marce.
Samantala, simula kagabi hanggang sa kasalukuyan, buong Ilocos Norte ang nawalan ng supply ng kuryente matapos magsagawa ng emergency shut-off ang Ilocos Norte Electric Cooperative dahil sa mga nagsitumbahang puno ng kahoy sa iba’t ibang mga lugar.
Umabot din sa 408 pamilya o 1,211 indibidwal ang inilikas sa mga evacuation centers sa buong Ilocos Norte. | Ulat ni Ronald Valdriz | RP1 Laoag