Pabor ang ilang mamimili sa Mega Q-Mart, Quezon City sa plano ng Department of Agriculture (DA) na maglagay ng mga Kadiwa rice sa mga malalaking palengke para tapatan ang sobrang mahal na ibinebentang bigas.
Ayon kay Tatay Francisco, dapat lang na ilapit sa mga mamimili ang opsyon na murang bigas at hindi lang ito maging limitado sa mga Kadiwa store.
Malaking bagay aniya ito para sa kanilang mga suki sa palengke dahil bukod sa tipid sa oras ay malaki na ang matitipid nila sa budget.
Para naman kay Nanay Baby, magandang balita ito kung mailalagay sa mga palengke ang ₱42 na kada kilo ng bigas.
Umaasa lang ito na magandang kalidad ito para mas nakakagana itong balik-balikan.
Wala ring problema ito para sa tindera ng bigas na si Nanay Betty. Aniya, maganda ito para magkaroon ng murang opsyon ang mga mamimili.
Una nang sinabi ng DA na nakikipag-usap sila sa mga importer para makapagsuplay ng bigas ng Kadiwa sa presyong ₱42 kada kilo. | ulat ni Merry Ann Bastasa