Muli na namang binalaan ng grupong Ban Toxics sa publiko laban sa mga laruang binibili panregalo sa mga bata ngayong kapaskuhan.
Sa isinagawang pagaaral ng BAN Toxics at ng Environment and Social Development Organization (ESDO) mula sa Bangladesh, lumalabas na maraming plastic toys na ibinebenta sa mga tiangge sa Pasay at Quezon City ang puno ng mga kemikal na lubhang mapanganib sa mga bata.
Mas apektado dito ang mga mahihirap na komunidad dahil sila ang madalas tumangkilik sa mga murang laruan.
Lumabas din sa resulta na malaking bilang ng sampled toys ang hindi tumutugon sa safety standards at walang tamang labeling, o babala.
Para sa Ban Toxics, malinaw na may kakulangan sa umiiral na mga regulasyon at implementasyon, lalo na sa transboundary trade ng hazardous toys.
Dahil dito, kinakailangan aniya ng mas mahigpit na mga regulasyon sa mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng plastic na laruan.
Dapat din aniyang magpatupad ng harmonized labeling at palakasin ang monitoring ng regulatory agencies. | ulat ni Merry Ann Bastasa