Aminado ang ilang taxi driver sa Mandaluyong City na bitin sila sa ₱10 umento sa kanilang flag-down rate.
Ito’y makaraang aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawing ₱50 ang flag-down rate sa mga taxi epektibo ngayong araw.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang taxi driver na mas mainam, anila, kung gawin nang ₱60 ang flag-down rate lalo’t mahal din ang singil sa re-sealing ng metro.
Katuwiran pa nila, kulang pa ang ₱50 na flag-down rate dahil sa patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilhin at serbisyo lalo’t wala ring tigil ang pagtaas ng presyo ng langis.
Epektibo rin kasi ngayong araw, ipatutupad ng mga kumpanya ng langis ang ₱1.15 kada litro sa Gasolina; ₱1.10 sa kada litro ng Diesel, habang ₱0.80 naman sa kada litro ng Kerosene.
Una rito, ipinaalala ng LTFRB na tanging ang mga taxi na calibrated ang metro lamang ang maaaring maningil ng ₱50 na flag-down rate.
Hindi naman kasama rito ang mga Airport Taxi. | ulat ni Jaymark Dagala