Pinababantayan ni Sen. Raffy Tulfo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang iligal na pagbiyahe ng black sand mula sa Zambales patungong China.
Sa plenary deliberations ng panukalang 2025 budget ng DENR, pinunto ni Tulfo na pagdating sa China ay sinasala ang mga mineral mula sa black sand at ang buhanging matitira ay tinatapon sa West Philippine Sea.
Sinabi pa ng senador na may hawak siyang listahang magpapatunay na ilang mga barko mula sa Zambales ang direktang pumupunta ng China.
Hinikayat naman ng DENR, sa pamamagitan ng sponsor ng kanilang panukalang budget na si Senadora Cynthia Villar, si Tulfo na ibahagi sa kanila ang impormasyong hawak niya para matugunan nila ito.
Sa ngayon ay wala pa kasi aniyang natatanggap na anukang report ang DENR patungkol sa isiniwalat ni Tulfo.
Dinagdag rin ni Villar na mayroon nang inter-agency committee, na kinabibilangan ng DENR, DILG, at DOTr, na maaaring magmonitor ng ganitong aktibidad.
Ang Philippine Coast Guard aniya may pangunahing tungkulin na magbantay nito.| ulat ni Nimfa Asuncion