Hinikayat ni Senator Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na maglabas ng immigration lookout bulletin order (ILBO) laban sa mga dayuhan na nahuli sa raid sa pinaghihinalaang scam hub sa Maynila noong October 29.
Sa plenary budget deliberation ng panukalang 2025 budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG), pinahayag ni Senador Gatchalian ang pagkabahala sa pagpapalaya sa mga dayuhang nahuli.
Ipinaliwanag naman ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng sponsor ng kanilang budget na si Senate Majority Leader Francis Tolentino, na binigay sa kani-kanilang mga embahada ang mga nahuling dayuhan dahil ang kaso ng mga ito ay paglabag sa Cybercrime Prevention Act at hindi naman human trafficking.
Ipinaalala naman ni Gatchalian na maaari ring masakop ng ILBO ang mga dayuhan.
Giit ng senador, maituturing na flight risks ang mga dayuhang ito at maaari silang lumabas ng Pilipinas ano mang oras at matakasan ang kanilang pananagutan sa ating batas.
Ang ILBO ay inilalabas ng Department of Justice (DOJ) para ma-monitor ang galaw ng isang indibidwal, papasok at papalabas ng Pilipinas, pero tanging ang korte lang ang pwedeng maglabas ng hold departure order (HDO) na makakapigil sa sino man na makaalis ng Pilipinas.
Tiniyak naman ni Tolentino, na pinipilit na ng PNP na mapadali ang pagsusuri ng forensics group sa mga ebidensyang nakuha sa ginawang raid. | ulat ni Nimfa Asuncion